“Lasing ka na naman?”, ang tanong ko. Bakit ko pa nga
ba itinatanong sa’yo e malinaw pa sa liwanag ng nahulog na bulalakaw sa may sagingan ang isasagot mo?! Pero eto pa rin ako, nakatitig sa namumula at naniningkit mong mga mata at waring nakabitin sa sanga ng bayabas habang naghihintay sa sagot mo.
“Nakainom lang…”, ang sagot mo. Sabi na. Kumpirmadong yan ang sasabihin mo. Para ka talagang
tatay ko. Luluray-luray na at nangangalumata na e yan
pa rin ang isasagot sa pareho at paulit-ulit na tanong
ng nanay ko. Oo. “Nakainom lang”… At malamang
nakainom ka nga “lang”. Kalahating case siguro ng Red
Horse. Isang tabong Empoy? O dalawampu’t tatlong tagay ng kwatro kantos? Yun nga lang. Hay…
Hindi na muna kita kakausapin. Hindi sabay ang “tama”
natin e. Dalawa lang ang patutunguhan kung sakaling
magtanong pa ulit ako : Away o gulo. Yun lang at wala
nang pagpipilian. Ikaw pa rin naman ang mananalo
anu’t-ano pa man. Pag hindi naman ako sumagot, di ka
pa rin titigil kasi ayaw mong wala akong laban. Hindi
ako kasing lakas katulad mo, bakit ba hindi mo yun
maintindihan?!