Hindi ka na maayos.
Pilit kong sinasabi sa sapatos ko.
Nginitian lang niya ako.
Tignan mo nga, ngumingiti ka na.
Hindi ka na talaga maayos.
Tumawa lang siya ng malakas.
Humalakhak lang ang sapatos ko.
Nakita kong nalaglag ang mga panga niya.
Tuloy pa rin siya sa kakatawa.
Ayan, humahalakhak ka na!
Hindi ka na talaga maayos.
Dadalhin na kita sa sapatero.
Tuloy lang siya sa pagtawa.
Uminit ang paligid ng aking mga mata.
Dali-dali kong binitbit
ang humahalakhak kong sapatos
sa sapaterong malapit sa amin.
Manong tulungan ninyo ako!
Ayaw tumigil sa pagtawa ng aking sapatos.
Inabot ko sa sapatero
ang humahagikhik kong sapatos.
Pinanonood ko habang binubutingting
ng sapatero ang tumatawa kong sapatos.
Umiiyak ako habang pilit ikinakabit
ng mabuting sapatero
ang mga nalaglag na panga ng aking sapatos.
Nakangiti pa rin ang aking mga sapatos.
Tama na sa kakatawa, sapatos!
Tama na!
Ibinalik sa akin ng sapaterong umiiling
ang nakangiti ko pa ring mga sapatos.
Manong bakit nakangiti pa rin ang sapatos ko?
Hindi sumagot ang sapatero.
Tinignan lang ako ng mabuting sapatero.
Tinignan ko ang aking sapatos.
Nakangiti pa rin sa akin ang mga sapatos.
Laglag ang mga kaniyang mga panga.
Bumuhos ang aking luha.
Hindi ko na magagamit ang aking mga sapatos.
Posted by:
![]()
kamote_shake
Categories:
Personal
