25th Apr, 2008

Expressway

Sabi nila ang buhay daw parang kalsada. Iibahin ko lang ng kaunti, para sa akin ang buhay ay pinagsamasamang kalsada na bubuo ng isang malaking mapa - kalsadang pinagdugtong-dugtong, paikot-ikot, magulo, exciting, masaya. Sa buhay, iba’t ibang kalsada ang tatahakin - pwedeng marating ang dulo, pwede ring hindi.

Marami na akong kalsadang nadaanan. May parang eskinita lang. Maiksi, masikip, minsan madilim. Halos araw-araw sa buhay ko maraming eskinita akong nae-encounter. Mabilisan. Madalian. Meron din namang mga medyo mahahabang kalsada. Lahat nang yun naman e nararating ko ang dulo. Paminsan-minsan medyo matagal ang oras na ginugol para matawid ang mga kalsadang yun. Minsan dahil sa traffic, minsan naman sadyang marami lang talagang stop-overs.

Pero may isang kalsadang sa kasalukuyan e tinatahak ko pa rin. Yung expressway. Napakahabang kalsada. Marami na akong natuklasan dahil sa kalsadang yun, katulad nung sa iba pang mga kalsada. Ang expressway ang pinakamatagal ko nang dinadaanan. Kung baga ganito, sa expressway may mga exits. Paminsan-minsan e lumalabas ako sa ilang mga exits at doon nakakadiscover ng mga mas maliliit na daanan, pagkatapos e babalik ulit ako sa expressway. Yun kasi yung kalsada na sabi nila e dapat kong marating ang dulo. Marami na kong kakilala na nandoon na sa pinakadulong exit. Doon na sila nanggagalugad ng iba pang kalye. E ako, nasa kalagitnaan pa rin ng byahe.

Sa totoo lang e tanaw ko na yung exit. Pero hindi ko maipaliwanag, bigla akong huminto. Tinigil ko ang paglalakbay sa expressway. Ako pa lang ang nakakaalam na huminto ako sa gitna ng malawak na expressway. Yung mga tao kasi e nasa magkabilang dulo na. Iniisip kong pumasok sa ibang exit at doon ipagpatuloy ang paglalakbay. Pero sa ngayon, nakatayo pa rin ako sa gitna ng expressway. Nagiisip. Naghihintay ng pagkakataon kung liliko na ba o dederecho.

Kung sa mapa yan ng buhay ko, mananatiling kalsadang putol siguro ang expressway. Hindi na maipa-plot ang kabuuan ng expressway. Mananatiling magulo, paikot-ikot, dugtong-dugtong ang mga kalsada. Pero hindi ko alam kung magiging masaya ang mapang binubuo ko.

Comments

we cannot predict the future but we can choose which path to follow. instead of sorrowful street, try happy highway; amiable avenue is much better than belligerant boulevard. oh, and never lose track of lov(e)ing lane.

Quote

Leave a comment

Click here to quote any selected text from this page

Your comment: