“Lasing ka na naman?”, ang tanong ko. Bakit ko pa nga
ba itinatanong sa’yo e malinaw pa sa liwanag ng nahulog na bulalakaw sa may sagingan ang isasagot mo?! Pero eto pa rin ako, nakatitig sa namumula at naniningkit mong mga mata at waring nakabitin sa sanga ng bayabas habang naghihintay sa sagot mo.
“Nakainom lang…”, ang sagot mo. Sabi na. Kumpirmadong yan ang sasabihin mo. Para ka talagang
tatay ko. Luluray-luray na at nangangalumata na e yan
pa rin ang isasagot sa pareho at paulit-ulit na tanong
ng nanay ko. Oo. “Nakainom lang”… At malamang
nakainom ka nga “lang”. Kalahating case siguro ng Red
Horse. Isang tabong Empoy? O dalawampu’t tatlong tagay ng kwatro kantos? Yun nga lang. Hay…
Hindi na muna kita kakausapin. Hindi sabay ang “tama”
natin e. Dalawa lang ang patutunguhan kung sakaling
magtanong pa ulit ako : Away o gulo. Yun lang at wala
nang pagpipilian. Ikaw pa rin naman ang mananalo
anu’t-ano pa man. Pag hindi naman ako sumagot, di ka
pa rin titigil kasi ayaw mong wala akong laban. Hindi
ako kasing lakas katulad mo, bakit ba hindi mo yun
maintindihan?!
Tapos na ata ang tag-init. May humagupit pang bagyo.
Umulan din kagabi. Naalala tuloy kita. Madalas ko pang
biro noon sa mga kaibigan ko, “Okay lang naman
mag-isa. Wag na lang sana malamig…” Sana sumama na lang ako kay “Cosme”. Dumaan ang bagyo sa may amin at parang niyaya nya pa akong sumabit sa buntot nya. Hindi ko nga lang siya napaunlakan kasi ang sarap
humiga sa kama. Kung kasama ka, pwede pa.
Gaanong kahaba pa kaya lalakarin ko? Ang layo naman ng tindahan. Parang isang bilog lang at kalahating kaha
ng yosi eh kasing haba na ng San Juanico Bridge ang
tinutulay ko. Tapos, di ko pa rin alam hanggang ngayon
kung ano ang pupulutanin ko. Sipol na lang siguro…
Medyo kakapusin ako sa hininga pero ang kagandahan
naman, may maririnig pa ring akong mga baryang
kumakalansing sa bulsa ko. Gusto kong magtipid pero
hindi ko magawa. Teka, mahal mo pa ba ako?
“Pa-pa-pa-pa-ra-pa… pa-pa-pa-ra-pa…pa-pa-pa-rapapapapa…dooooo…dooooo… Ang daming bawal samundo… Sinasakal nila tayo…” Narinig kong muli ang paborito kong kanta ng Eraserheads. At tsaka ko lang namalayang nasa may tindahan na pala ako. Todo ang tunog sa transistor ni manong tindero.Halos hindi kame
nagkaintindihan. Gusto ko pa naman sanang tanungin sa
kanya kung nabanggit ba ni Ely Buendia sa kanta nya na
“bawal” ka na rin sa mundo ko. Sayang. Naibigay na nya
sukli sakin.
Para sa mga boteng walang laman,
Sa mga boteng binasag…
Para sa bawat patak na pinagsaluhan.
Sa akin na ang huling tagay,
Wag mo lang akong tulugan.
Napakunot-noo ako pagkabasa ko nito.Bumangon ako sa
mabigat na pagkakahiga at napulot ko sa may tabi ng
tsinelas ko, nakasulat sa isang palara at tila sinadyang sunugin ang buong gilid nito. At ang nakakamangha, sulat-kamay ko pa.
“Aray!”, sabay kagat sa labing pagkakasigaw ko.
Hang-over ba tawag dito?! Nasa magkabilang sentido ang tila namamanhid kong mga kamay habang naglalakad akong pumunta sa sala.
“Anak ng……..pot*h!!!”, ang pagkakabulalas ko
sa aking nakita.
Dalawang bilog na may anghel San Miguel. Dalawang
kahang yosing walang kalaman-laman ( yung isa pa ay
inabandona ng kanyang palara). Anim na balat ng Boy
Bawang. At isang lapis na parang hindi na kayang
tasahan.
Napatulala ako sabay punta sa kusina. Uhaw na uhaw
lang siguro ako. Tuyong lalamunan kaya siguro walang
matandaan. Bubuksan ko na sana ang pinto ng ref, nang
may nakita akong dilaw na papel na halos mahuhulog na
sa pagkakamagnet nito. Hinablot ko at di na pinansin
ang magnet na bumagsak sa paanan ko. Hmmmmmm…..?
At eto ang bumulaga sa akin. Buntong-hininga kong
binasa :
Ayos ka din noh? Mag-iinom ka lang, di ka man lang
nagyaya. May problema ka ba?! Nakaka-ubos ka na pala
ng dalawang bilog ngayon. Pero himala, naka-dalawang
kahang yosi ka lang!
Sabi ni manong tindero, nakalimutan mo na daw atang
nakabili ka na ng isang bilog nung bumibili ka ng
pangalawa. Naiwan mo kasi yung sukli mo sa unang bili
mo pero ayaw mo daw tanggapin nung binibigay nya.
Baliw ka talaga..Hahah..
At eto pa ang nakakatawa, naabutan pa kitang medyo
gising (pero sobrang lasing!) at pinagdamutan mo ako
ng tagay!!! Tanong ka nang tanong kung lasing ba
ako… Ang sarap mong asarin kasi nakatitig ka pa
sakin kaya sabi ko, ” Nakainom lang…” Pagkainom mo
nang huling tagay, susuray-suray kang pumunta sa
kwarto mo. Inalalayan kita pero nagwawala ka… May
tinatanong ka sakin pero hindi ko maintindihan. Walwal
ka, ano bang nangyari sa’yo, ha?
Pasensya na ha? Kagabi lang ako napadaan tapos ganun
pa kita dinatnan. Alam ko matagal akong nawala at di
nagparamdam. Sorry. Madalas mukha akong punong-puno ng kasiguraduhan pero sa maniwala ka’t hindi naguguluhan din ako. Pagsinumpong pa, sobra at todo-todo. Kaya lumayo na lang muna ako.
Nawalan din nga pala ako ng cellphone nung isang
linggo pa…Kaya eto, pasulat-sulat na lang. Ikaw din
ha..May hawak ka pang palara kagabi. Ayaw mo namang pabasa sakin. Lakas trip ka..Hahah..
Galit ka pa ba?
Peace na tayo ha?
Ok lang daan ako bukas dito?
Teka, mahal mo pa ba ako?
Posted by:
pompadour13
Categories:
Relationships
