(Gaano kahirap magmahal ng isang bakla?)
sumasabay sa ihip ng hangin
ang lamig ng lupang
kinahihigaan ko ngayon.
masakit sa likuran
halos hindi ko na maigalaw.
namamanhid na sa kapal ng alikabok
na dumapo sa init ng aking katawan.
tatlong taon na akong nakalugmok
sa itim na lupang ito.
huling kita ko sa iyo’y
mahigpit kang nakakapit
sa marupok na tangkay ng puno sa tabing-ilog
at sa ibaba mo’y
nakaulayaw ang kasalanang pilit mong itinatago.
pinagmasdan ko ang mga mata mo.
nasilaw ako sa ningning na taglay nito.
pero ng biglang ihilig mo ang mga mata mo
sa duyan ng hanging humahampas sa direksiyon ko,
bakit tila naglaho ang ningning na taglay nito?
Nalusaw kang parang yelong nadarang sa init ng araw.
unti-unti kang sumabay sa agos ng tubig
paibaba sa maliit na talon
na dumudugtong sa mas malaking katawan ng katubigan.
Pinilit kong isigaw ang pagpupuyos ng damdaming
lumalamon sa aking katinuan
subalit may tanikalang mahigpit na gumapos
sa hiyaw ng aking nag-aalab na damdamin.
hinabol ko na lang ang pag-agos mo
ngunit ako’y biglang nadapa
sa itim na lupang ito.
hindi ako makatayo
sa lakas ng pagkakadapa ko.
wala akong magawa
kundi ang sundan na lang ng tingin
ang pag-agos mong papalayo sa akin.
tatlong nangungulilang taon na nga ang nakararaan,
hindi ko pa rin nakakalimutan.
nasaan ka na kaya ngayon?
kung ako ba’y makikita mo sa itim na lupang ito
aakayin mo na ba ako?
o iyo lamang ilalahad ang mga kamay mo?
at tutulungan akong makatayo
at ika’y lilisan na muli’t babalik
sa mundong kay tagal na itinago,
kasama ng lalaking kaulayaw mo…
Posted by:
Veloni08
Categories:
Relationships
Intimacy
