Ang lamig.
Malamig na naman ang simoy ng hangin at inaasahang tatagal ito hanggang February. Ito ay dahil nga sa pagtunaw ng yelo sa norte.
(kasabay ng malamig na panahon e patuloy din palang nanlalamig ang aking sarili. Inaasahang tatagal ito hanggang Pebrero, buwan ng mga puso. Maaaring magpatuloy hanggang sa hindi ko na alam kung kelan nga ba ang buwan ng mga puso. Kasabay ng malamig na simoy ng hangin ay ang malamig ding simoy ng pag-iisa at pangungulila.)
Naalala ko yung usapan namin ng kapatid ko, sabi ko “Natutunaw na yelo sa Siberia kaya malamig na.” ang sagot niya, “May yelo ba sa Siberia?” Ayun nakarinig tuloy malutong na “Gago at Tanga!”
(Natutunaw na kasi ang matagal na pinatigas na pagtitinginan at pagiibigan. May yelo sa Siberia, may yelo din sa puso niya. Gago. Tanga.)
Hindi na ako makapaglakad sa gabi na walang nakabalumbon na jacket.
(Hindi na ako nakakapaglakad ng may nakabalumbon na mga braso sa balikat o beywang ko.)
Ang sarap magyosi.
(Ang sarap magyosi, ang sarap bumuga ng usok na may kasamang kalungkutan.)
Ang sarap lunurin ang nanginginig na katawan sa alcohol o kaya naman kape. Ang sarap humigop ng sabaw ng bulalo.
(Nalulunod na ako sa sabaw ng kabiguan. Nasusunog sa init ng kumukulong “Nasaan ka?” Asaan ang sabaw ng matagal na hinahanap na pag-ibig.)
Posted by:
![]()
kamote_shake
Categories:
The eLBi Life
