27th Jul, 2008

Isang Gabi sa Baryo: Ang Radyo, Mga Tala, Ang Hangin at Ako

Kagabi, sa loob ng medyo mahabang panahon, nakakita na naman ako ng kumpol-kumpol na mga bituin. Kasama na rin doon ang mga falling stars. Hindi ko na nga namalayan na medyo napatagal na ang aking pagkakatingala. Pinanood ko lang ang mga constellations, ang pagkislap ng mga tala, ang liwanag na nakapatong sa dilim.

Kasabay ng panonood sa mga tala, pinatugtog ng lolo ko ang transistor radio niya. Sa loob din ng mahabang panahon ay muli akong nakapakinig ng tugtugin mula sa isang transistor radio. Mga lumang tugtugin at mga haranang pineperform ng live ang pinapatugtog. Minsan masarap din pakinggan ang mga tugtuging ni minsan ay hindi pa napapakinggan.

Sinabayan pa ito ng pagihip ng napakalas na hangin. Tila ba’y sinasabayan ang tugtog sa radyo at tila din tatangayin ang kahit na anong masagasaan nito, kasama ako, patungo sa mga bituin.

Naisip ko, may nakatalagang bituin para sa akin na matagal nang nagbabantay. Naghihintay ng panahon na mahulog papunta sa kung saan ako naroroon, pagkatapos ay isasama sa pagbabalik papunta sa maitim na langit. At doon, doon kami lilikha ng liwanag, kaming dalawa, habang ang hangin ay sumasabay sa pagtugtog ng transistor radio ng mga melodiyang ni minsan ay hindi ko pa naririnig.

Leave a comment

Click here to quote any selected text from this page

Your comment: