Isang paroparo ang nangarap,
Na sa isang paraisong puno ng bulaklak ay mapadpad.
Nais niyang dumapo sa mga rosas.
Nais niyang magpalipat-lipat sa mga gumamela.
Nais niyang samyuin ang bango ng mga sampaguita.
Nais niyang ubusin ang dalawampu’t apat na oras –
Ang tanging oras ng kaniyang pagkalalang –
Sa paglibot sa paraiso ng pinalayang kagandahan.
Ngunit siya’y nag-iisa.
Hindi niya alam ang daan patungo sa
Paraisong pinapangarap mapuntahan.
Siya’y nangangambang maubos ang kaniyang oras
Sa paghahanap lamang sa lugar ng wagas na kagandahan.
Bakit kaya hindi natin siya samahan?
Samahan natin siyang lumipad at maghanap.
Samahan natin ang paroparong nangarap
Hanggang sa ang kaniyang pangarap ay maging atin na rin,
Hanggang sa ang kaniyang naisin ay ating naisin na rin,
Hanggang sa ang pagaspas ng ating mga pakpak ay maging isa.
Sama-sama natin hahangarin ang pagtuklas sa kagandahang
Itinago sa likuran ng papulang araw.
Hindi man natin makita ngayon ang paraisong hinahangad,
Maubos man ang dalawampu’t apat na oras,
Maubos man ang buhay,
Ang pagsama natin sa paroparong nangahas
Ay katulad na rin ng pagtungo sa hinahangad
Na wagas at pinalayang kagandahan.
Posted by:
![]()
kamote_shake
Categories:
The eLBi Life
